VIGAN CITY – Pinawi ng Department of Agriculture ang pangamba ng ilang consumer hinggil sa kaunting suplay ng karne ng baboy ngayong holiday season dahil sa African Swine Fever (ASF) virus.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, tiniyak ni Agriculture Secretary William Dar na mayroong sapat at stable na suplay ng karne ng baboy ngayong holiday season na mabibili sa mga pamilihan.
Aniya, wala na raw dapat na ipangamba ang publiko sa mga pork products dahil ligtas ito sa banta ng ASF dahil sa kanilang patuloy na pagpapatupad ng quarantine at bio-control measures.
Ayon pa kay Dar, nakipag-ugnayan na ito sa mga commercial hog raisers at tiniyak ng mga ito sa kaniya na mayroong sapat ng karne ng baboy na mabibili ang mga consumer sa bansa.
Maliban pa rito, balik na rin umano sa normal ang presyo ng karne ng baboy na isang patunay na muling tinatangkilik ng mga consumers ang pagbili ng karne at mga pork products.