Nananatiling mababa sa P200 kada kilo ang farmgate price ng baboy, ngunit ang retail price nito ay umabot ng hanggang P420 kada kilo sa mga pamilihan sa Metro Manila.
Sinabi ni Pork Producers Federation of the Philippines chair at AGAP party-list Rep. Nicanor Briones na dapat suriin ng Department of Trade and Industry ang sobrang presyo ng mga produktong baboy.
Aniya, ang retail price ng kasim ay dapat P320 lamang at ang liempo ay nasa pagitan ng P350 at P370 kada kilo kaya naman overpriced na ang presyong P420.
Batay sa monitoring ng Department of Agriculture (DA), ito ay naibenta sa halagang P350 kada kilo at tiyan ng baboy, P420 kada kilo.
Tumaas ng P20 kada kilo ang retail price ng pork belly kumpara sa pinakamataas nitong halaga na P400 kada kilo noong Lunes.
Muling iginiit ni Briones na dapat magpatupad ang DA ng suggested retail price sa baboy dahil sa pagsipa ng presyo nito.