LA UNION – Idineklara na ang isang buwan na suspensiyon ang klase sa lahat ng antas sa mga paaralan sa Kwun Tong District of Hong Kong bunsod ng kumalat na deadly virus na novel coronavirus (nCoV).
Ito ang ibinahagi sa Bombo Radyo La Union ng isang Pinay worker sa Kwun Tong Kowloon na si Jannette Orteza, tubo ng Barangay Guinabang, Bacnotan, La Union.
Ayon kay Orteza, nasa loob lamang sila ng bahay ng kanilang employer kasama ang mga batang inaalagaan.
Base pa sa impormasyon, magre-resume ang pasok ng mga mag-aaral sa Marso 2.
Samantala, idinadaing ni Orteza kasama ang iba pang OFWs doon ang sobrang pagtaas ng presyo ng mga bilihin lalo na ang mga basic goods gaya ng mga pagkain at para sa sanitasyon.
Halos lahat aniya na pamilihan ay out of stock ang ibinebentang face mask, alcohol at sanitizer kung kaya’t sa online reseller sila bumibili.
Pero sobrang taas din aniya ang presyo ng mga online reseller.
Ang 150ml na alcohol ay nagkakahalaga ngayon ng 75HKd o katumbas ng halos P500.