Kinumpirma ng pamunuan ng Department of Agriculture na nananatili pa ring mataas ang kada kilo ng bigas sa mga pamilihan sa Metro Manila.
Ito ay bago pa man ang inaasahang pagdedeklara ng national food security emergency ngayong linggo.
Batay sa monitoring ng ahensya, naglalaro ang presyo ng bigas sa P41.65 to P59.18 per kilo sa mga merkado sa National Capital Region.
Ang datos na ito ay naitala mula Enero 20 hanggang 25 ng taong ito.
Ang mataas na presyo ng bigas ay sa kabila ng pagbabawas ng gobyerno sa ipinapataw na taripa na aabot sa 15% hanggang 35%.
Bilang tugon sa mataas na presyo ng bigas, target ng DA na magdeklara ng national food security emergency bago matapos ang linggong ito.
Una nang sinabi ng DA na nakatakda sana itong magdeklara ng national food security emergency noong Enero 22 ngunit ito ay hindi natuloy.
Inaprubahan na rin ng National Price Coordinating Council ang resolusyon na humihiling sa pagdedeklara ng DA ng food security emergency para sa bigas para mamantine ang mababang presyo nito.