Iniulat ng Palasyo ng Malakanyang na asahan na ang pagbaba ng presyo ng bigas at karneng baboy ngayong buwan ng Marso.
Ayon kay Palace Press Officer USec. Claire Castro na posibleng bumaba sa 45 pesos kada kilo ang presyo ng bigas pagsapit ng March 31.
Bukod sa bigas, asahan din ang pagbaba ng presyo ng karneng baboy simula sa March 10.
Sinabi ni Castro, posibleng bumaba din sa P350 hanggang P360 pesos kada kilo ang presyo ng kasim at pigi, habang ang liempo ay maaaring bumaba sa P380 pesos kada kilo.
Batay sa pahayag ni Department of Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel, isa sa mga dahilan ng inaasahang pagbaba ng presyo ng bigas ay ang patuloy na pagbaba ng presyo nito sa world market.
” Nagkaroon po kami kanina ng meeting with Secretary Laurel dahil aasahan po natin ang pagbaba ng presyo ng bigas. Sa darating po by March 31 sa ngayon po, ang presyo ng bigas kada kilo ay pumapalo po sa P49 pero by March 31 po ay aasahan po natin ang pagbaba nito ng P45 pesos. Pati na po ang presyo po ng baboy ay maaari po itong maibaba din po by March 10, sinabi in particular ni Secretary Laurel ang parte po ng kasim at pige ay bababa po between P350 to P360 per kilo at ang liempo naman po ay maibababa po ng P380 per kilo,” pahayag ni USec. Castro.