Inihayag ng Department of Agriculture (DA) na dapat maghanda ang mga mamimili para sa mas mataas na presyo ng bigas at gulay matapos ang pananalasa ng Bagyong Karding.
Sinabi ni Agriculture Undersecretary Domingo Panganiban na maaaring magkaroon ng pagtaas ng presyo lalong lalo na sa palay at gulay sapagkat ito’y matinding tinamaan sa Central Luzon.
Nitong Huwebes ng umaga lang, lumobo sa P2.02 bilyon ang pinsala at pagkalugi na dulot ng pananalasa ni Karding sa sektor ng sakahan, sinalanta ang 150,693 ektarya ng mga lupang agrikultural, at apektado ang 91,944 na magsasaka at mangingisda.
Aniya, ang palay ang pinaka-apektadong pananim na may kabuuang halaga ng pagkawala ng produksyon sa P1.66 bilyon, na sinusundan ng mataas na halaga ng pananim – gulay, prutas, munggo, at pampalasa – sa P271.6 milyon.
Sa halaga at dami ng pagkalugi sa agrikultura, sinabi ni Panganiban na “maaaring tumaas mula 15 hanggang 20% ang ating presyo ng kalakalan sa palengke.
Sa datos ng DA noong Setyembre 28, ang presyo ng well-milled at regular milled rice ay nasa P40 kada kilo at P38 kada kilo sa mga pamilihan sa Metro Manila.
Samantala, tumaas na ang presyo ng ilang upland vegetables.
Sa partikular, tumaas ang presyo kada kilo ng pechay Baguio sa P80 noong Setyembre 28 mula sa P70 noong Setyembre 27.
Tumaas din ang presyo ng puting patatas mula P70 kada kilo hanggang P80 kada kilo.