Naniniwala ang Kagawaran ng Pagsasaka na hindi aabot sa P65 ang kada kilo ng bigas sa mga merkado sa buong bansa.
Sagot ito ng kagawaran sa una nang inilabas na projection ng Federation of Free Farmers na posibleng papalo sa ganitong halaga ang presyo ng bigas dahil na rin sa patuloy na pagtaas ng farm inputs, production cost, at iba pa.
Ayon kay DA Assistant Secretary Rex Estoperez, nananatiling mataas ang supply ng bigas sa bansa, habang ang kasalukuyang pagtaas na kanilang namonitor ay posibleng dahil na rin sa inaasahang sa Setyembre hanggang Oktubre pa papasok ang malaking bulto ng palay, kasabay ng panahon ng anihan.
Kasabay nito, pinag-iingat ng opisyal ang ibat ibang grupo ng mga magsasaka, lalo na sa paglalabas nila ng ganitong projection dahil sa tiyak umanong magdudulot ito ng pangamba sa publiko.
Tiniyak din ng opisyal na nakahanda silang mag-inspeksyon sa mga bodega ng bigas sa ibat ibang bahagi ng bansa, upang matiyak na may sapat ng bigas at hindi itinatago ang mga ito.