-- Advertisements --

Nanawagan si House Committee on Overseas Workers Affairs Chairman Jude Acidre sa publiko na pag-isipang mabuti at mapanuri sa mga sinasabi ng gubernatorial candidate na si Manny Piñol lalo at siya ang Agriculture Secretary noong nakaraang administrasyon ng umabot sa P70 kada kilo ang presyo ng bigas.

Ayon kay Acidre, September 2018 ng umusbong ang krisis sa bigas na isang malaking hamon sa ekonomiya ng bansa.

Kamakailan kasi ay binatikos ni Piñol, na tumatakbo ngayon bilang gubernador ng North Cotabato, ang administrasyong Marcos kaugnay ng P16.63-trilyong utang ng bansa.

Ang hindi umano sinabi ni Piñol ang administasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang presidente ng bansa na siyang umutang ng pinakamalaki kaya umabot ito sa P16.63 trilyon at isinisisi ang lahat sa administrasyong Marcos.

Sa ilalim ng administrasyong Duterte kung saan nagsilbi si Piñol bilang Kalihim ng Agrikultura mula 2016 hanggang 2019 nakahiram ng P7.2 trilyon sa loob ng anim na taon, na higit pa sa pinagsamang kabuuan ng mga utang mula panahon ni Pangulong Manuel Quezon hanggang kay Pangulong Benigno Aquino III, o halos siyam na dekada.

Nauna nang sinabi ni Presidential Adviser on Poverty Alleviation Larry Gadon na ang malaking bahagi ng kasalukuyang utang ay bunga ng pangungutang noong panahon ng pandemya sa ilalim ng administrasyong Duterte.

Binanggit din ni Acidre ang mga patakarang ipinatupad noong panahon ni Piñol, lalo na nang magkaroon ng krisis sa suplay ng bigas at biglaang pagtaas ng presyo nito.

Naalala rin ni Acidre ang naging tugon ng Department of Agriculture sa bird flu outbreak noong 2017, kung saan kinailangang ipapatay ang daan-daang libong manok na naging dahilan ng malaking epekto sa kabuhayan ng mga apektadong komunidad.

Binanggit rin ng mambabatas ang mga alegasyon na pinilit umano ni Piñol ang mga mangingisdang sangkot sa 2019 Recto Bank incident na baguhin ang kanilang mga salaysay sa isang closed-door meeting na ayon sa mga human rights defenders ay isang uri ng pamimilit at pagtatakip.