-- Advertisements --
image 13

Tumaas ang presyo ng bigas sa merkado ng P1.50 hanggang P2 kada kilo kasunod ng pananalasa ng nagdaang bagyo ayon sa price monitoring ng Department of Agriculture (DA).

Sa pinakahuling datos, nag-iwan ng malawak na pinsala ang matinding pag-ulan na nagdulot ng mga pagbaha sa parte ng Luzon kung saan umaabot sa P2 billion ang halaga ng pinsala sa sektor ng agrikultura.

Ayon kay DA Deputy Spokesperson Rex Estoperez, noong Hulyo binagyo ang bansa kayat tumaas ang presyo. Base sa price monitoring ng ahensiya, tumaas ang presyo ng bigas lalo na sa mga imported rice.

Subalit ayon sa opisyal hindi lang ang bigas ang nagmahal kundi maging ang presyo din ng mga gulay.

Paliwanag ng opisyal na ang tubo ang hinahabol ng mga trader kayat pakiusap ng DA na magpataw lamang sana ng nararapat na presyo.

Pakiusap din ng opisyal sa publiko na huwag mag-panic buying at bumili lamang ng sapat na kailangang bigas.

Sinabi din ni Estoperez na maaaring mastabilize ang presyo ng NFA kung mayroong sapat na stock ng bigas subalit sa ngayon kasi mababa ang imbentaryo ng NFA matapos na mabigo itong bilhin ang bigas mula sa mga magsasaka dahil sa mababang presyo na iniaalok ng NFA.

Inihayag din ni Estoperez na nakatakdang talakayin ngayong araw ng ilang ahensiya kasama si PBBM ang posibleng pagaangkat pa ng bigas para madagdagan ang suplay ng bigas sa bansa.