-- Advertisements --

Inaasahang bababa ng 20 % ang presyo ng bigas sa Pilipinas sa Setyembre ayon kay Finance Secretary Ralph Recto.

Kaakibat aniya nito ang pagtaas sa produksiyon at pagbawas sa mga taripa.

Samantala, sinabi naman ni Socioeconomic Secretary Arsenio Balisacan na inaasahang bababa ang presyo ng staple grain sa mga susunod na buwan alinsunod sa paggalaw ng presyo sa pandaigdigang merkado.

Paliwanag ng NEDA chief na inaasahang bababa sa Setyembre ngayong taon ang pandaigdigang presyo kayat inaasahan aniya na ang inflationary pressure sa bigas ay magsisimula ding bumaba sa pagtatapos ng taon.

Inaasahan din aniya na luluwag na ang suplay sa world market kasabay ng paghupa ng El Niño phenomenon.

Inihayag din ni Sec. Balisacan na ang inflation sa mga nakaraang quarter ay bunsod ng supply shocks kayat sinubukan ng mga pangunahing exporting countries na bawasan ang kanilang mga export upang maprotektahan ang kanilang mga domestic consumer.

Matatandaan base sa datos ng Philippine Statistics Authority, nakapagtala ng pagbaba sa rice inflation noong Abril matapos ang anim na buwang uptrend na nasa 23.9% mula sa 24.4% noong Marso, na nag-ambag ng 46.2% sa pangkalahatang inflation.

Sinabi din ni Sec. Balisacan na inaasahang mananatili ang inflation rate sa target bracket na 2 hanggang 4 na porsyento ngayong Mayo.