Tinututukan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang epekto ng El Niño phenomenon sa produksyon ng pagkain, partikular ang mga gulay.
Sinabi ni DTI Undersecretary Ruth Castelo, inaasahan nilang tataas ang presyo ng mga gulay sa mga susunod na buwan dahil sa pagbaba ng produksyon nito.
Ayon kay Usec. Castelo, malala ang epekto ng tag-init sa pagsasaka kaya tiyak na mababawasan ang supply nito kasabay ng pagtaas ng demand.
Gayunman, inihayag ni Castelo na pag-uusapan nila sa pulong ng National Price Coordinating Council ang mga hakbang para tulungan ang mga magsasaka.
Isa aniya sa maaaring gawin ay tulong sa irigasyon para tuloy-tuloy ang patubig sa taniman ng gulay.
Samantala, nagbabala ang DTI sa mga magbebenta ng mahal na asukal.
Nitong Abril, pumalo sa hanggang P68 ang presyo ng asukal kada kilo.
Iginiit ni Usec. Castelo, dapat nasa P50 hanggang P55 lang ang presyo kada kilo nito dahil wala namang kakulangan sa supply nito.
Kaugnay nito, nagpadala na raw ang DTI ng notice of violation sa mga nahuli nilang nagbebenta ng mahal na asukal.