-- Advertisements --

Nakapagtala ng pagtaas-baba sa presyo ng ilang agricultural commodities sa ikalawang yugto ng Pebrero base sa Price Situationer ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Kung saan nakitaan ng pagbaba ang presyo ng bigas at kamatis. Sa regular milled rice na pangunahing binibili ng mga Pilipino, bumaba ang average retail price nito sa P47.19 kada kilo mula sa P47.77 noong unang bahagi ng Pebrero.

Habang sa kamatis naman ay bumaba sa P90.64 kada kilo

Nagpapakita ang pagbaba ng presyo sa paghupa ng pressure sa suplay bagamat walang katiyakan kung magtutuluy-tuloy ito.

Samantala, ang presyo ng karneng baboy, sibuyas at isda naman ay tumaas. Ang sariwang karne ng baboy na may buto-buto ay mabibili sa P322.98 kada kilo, bahagyang tumaas ito mula sa P317.57 kada kilo noong unang bahagi ng Pebrero.

Sa pulang sibuyas naman, tumaas ito ng P182.47 kada kilo habang sa isda partikular na ang galunggong na karaniwang binibili ay tumaas sa P231.24 kada kilo.

Iniuugnay naman ang pagtaas sa presyo sa supply constraints at pagtaas ng demand sa gitna ng mga paparating na festivities.

Sa iba pang commodities tulad ng Carabao mango, bahagyang bumaba ito sa P182.74 kada kilo nitong kalagitnaan ng Pebrero habang ang Refined sugar naman ay napanatili ang pagtaas ng presyo nito na nasa P86.38 kada kilo, na maaaring iniuugnay sa production costs o importation.

Ang pagtaas-baba sa presyo ng mga pagkain ay nagpapakita ng nagpapatuloy na paggalaw ng presyo sa agricultural market sa bansa bunsod ng epekto ng mga kalamidad, demand ng mga konsyumer at supply chain dynamics.