Tinuldukan na ng Department of Trade and Industry (DTI) ang pangamba sa pagtaas ng presyo ng ilang basic good ngayong taon.
Ayon kasi sa ahensiya, hindi na nila aaprubahan pa ang anumang umento sa mga presyo ng ilang basic goods tulad ng sardinas, instant noodles, ilang brand ng tinapay.
Inihayag din ng ahensiya na sa pinal na bahagi ng kanilang konsultasyon sa mga stakeholder sa plano na tanggalin ang suggested retail price (SRP) scheme na pinaaiiral nang ilang dekada na.
Bagamat ayon kay DTI USec. Ruth Castelo nagsisilbing proteksiyon ang SRP para mapigilan ang manufacturers mula sa labis na pagtaas ng mga presyo, pinapaburan aniya ng DTI ang pagtanggal sa SRP scheme at palitan ito ng price range guide para sa mga konsyumer.
Ikinalugod naman ng ilang konsyumer at panadero ang hakbang ng DTI na hindi pagtataas ng mga presyo sa nasabing mga produkto bagamat humingi naman ng pang-unawa ang breadmakers mula sa publiko dahil posibleng bawiin ng bakers ang kanilang kita sa pamamagitan ng pagtataas ng presyo sa mga produktong hindi nareregulate dahil ikinokonsidera ang mga ito bilang basic o prime commodities tulad ng cakes at iba pang pastries.