-- Advertisements --

Patuloy ang pagsipa ng presyo ng mga pangunahing bilihin kagaya ng ilang gulay at sariwang karne partikular sa Pasay Public Market, dalawang araw bago ang papalapit na pasko.

Nagtaas kasi ang presyo nang ilang sariwang karne kagaya ng baboy na P10 hanggang P20 ang tinaas. Ang liempo ay umabot na ng P420 ang kada kilo na dating P380 ang kada kilo, Ribs na P300 ang kada kilo, Kasim na P330 ang kilo, at Pata na P300 ang kada kilo.

Sa mahihilig mag manok mahigit P210 ang isang buo nito at kung choice cut naman ay P360 hanggang P420 ang kada kilo.

Para naman sa mahihilig mag handa ng kalderetang baka dapat ay nasa P360 hanggang P420 ang budget mo. Paliwanag ng ilang mga nagtitinda ang pagtaas ng karne ay dulot ng pagtaas rin ng kuha nila sa mga supplier.

Payo naman ng ilang mga nagtitinda sa mga mamimili na mamili na ng maaga dahil pagsapit ng bisperas, Disyembre 24 ay asahang dadami na ang mga bumibili at bahagyang tataas pa ang presyo ng bilihin.

Ang presyo naman ng gulay kagaya ng repolyo ay mahigit P40 ang itinaas, na mabibili mo ng P180 ang kada kilo, Carrots na P180 ang kada kilo, mula sa dati nitong P160 na presyo, Bell pepper na pula mula sa P460 ang kada kilo ay aabot na ito ngayon sa P600 ang kada kilo, Nariyan pa ang Bell pepper na green na umabot na sa P500 ang kada kilo, Baguio beans na P240 ang kada kilo na dating P160 lang.

Nanatili naman ang presyo ng Bawang sa P160 ang kada kilo habang P20 naman ang itinaas ng Sibuyas na P140 ang kada kilo, Kamatis na P240 ang kada kilo habang sa Siling labuyo naman na anim na piraso ay maaari mong mabili ng P20 kung kada kilo naman ay maari mo itong mabili ng P900 ang kada kilo.

Sa patatas P90 naman ang itinaas na mabibili mo ng P160 ang kada kilo.

Ayon kay Charmaine Ubas may ari ng isang gulayan sa Pasay Public Market ang dahilan ng pagtaas nila ay dahil nakadepende lang din daw sila sa mga supplier na pinagkukuhaan nila.

Samantala, nanatili rin ang presyo ng bigas sa P42 ang kada kilo para sa lokal at P56 naman ang kada kilo ng imported.

Habang ang maglagkit ay aabot sa P80 ang kada kilo.