Umarangkada ang presyo ng isda sa Pasay Public Market kung saan aabot sa P100 ang itinaas ng ng mga ito.
Paliwanag ng mga nagtitinda ay dahil parin sa nararanasang mga pagbabago ng klima na siyang nakakaapekto aniya sa seasonal status ng supply ng mga isda.
Pagdating sa presyo ng bangus naglalaro ang presyo nito sa P150 hanggang P200 depende sa laki, gayun din ang presyo ng tilapia na P140 kada kilo dating P135 kada kilo.
Habang ang presyo naman ng galunggong ay umaabot na sa P300 ang kada kilo, dating mabibili mo lang ng P150 kada kilo. Stable naman ang presyo ng tawilis sa P150 na maaari pa raw mabili ng P120.
Ayon sa nakausap ng Bombo Radyo na si Lailanie Nepomoceno isa parin aniya sa dahilan ang pagtaas ng presyo ng gasulina na nakakaapekto sa kanilang pagangkat dahilan para magtaas din ang mga ito.
‘Sa panahon ngayon talagang mahal ang season na’to, tapos yung ano namin kalakal namin galing pa ng Quezon. Mahal talaga babayad pa kami ng gasulina-malayo pinanggagalingan,’ ani Nepomoceno.
Tumaas din ang kada kilo ng tahong na aabot sa P150 ang halaga na dating P100 kada kilo.
Noong 2020, iniulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang kabuuang 19,228.96 MT na produksyon ng mga tahong mayroon ang Pilipinas. Nanguna ang Western Visayas sa produksyon ng tahong na may 8,534.16 MT, kung saan 7,945.70 MT ay nagmula sa lalawigan ng Capiz habang ang iba pang mga lalawigang may mataas pa na produksyon ng tahong ay ang lalawigan ng Cavite at Samar na may 5,654.23 MT at 4,077.14 MT, ayon sa mga tala ng ahensya.
Samantala, ang presyo naman ng gulay ay bahagyang bumaba kagaya ng kamatis na dati mabibili mo ng P400 ang kada kilo na ngayon ay mabibili mo ng P160 kada kilo. Habang ang carrots nasa P140 ang halaga na dating P200 ang kada kilo gayundin sa broccoli na halos P200 ang ibinaba mula sa dating P500 na halaga dati, na ngayon mabibi mo sa P240 ang kada kilo.
Habang sa kalamansi P100 na lang ngayon ang kada kilo nito sa Pasay Public Market na dati ay P120 kada kilo, petchay baguio na P100 ang kada kilo ngayon na dati P160 ang halaga.
Pagdating naman sa presyo ng bigas nanatili ang presyo ng imported na premium grade rice sa P55 hanggang P70 ang kada kilo ang well milled rice naman ay nag naglalaro sa P50 hanggang P60 kada kilo, sa imported special rice nanatili ang presyo nito sa P55 hanggang P70 kada kilo habang ang local special rice naman ay may halagang P60 hanggang P65 kada kilo.
Sapat naman ang supply ng bigas sa mga Kadiwa store na naka lagi sa Pasay Public Market kung saan naglalaro ang presyo sa P42 kada kilo.
Tanging mga:
• 4Ps Member
• Senior Citizen
• PWD
• Solo Parent
ang pwedeng bumuli ng limang kilo ng NFA rice na P29 kada kilo basta’t dala ng mga ito ang kanilang mga valid ID.