-- Advertisements --
itlog

Tumaas ang presyo ng itlog sa merkado dahil sa mababang suplay at mataas na demand ngayong ber months o inaabangang holiday season.

Ayon kay United Broiler Raisers Association and Philippine Egg Board Association chairman Gregorio San Diego, ang farmgate price ng iltlog ay tumaas sa P0.20 hanggang P0.30 ngayong linggo kumpara noong nakalipas na linggo

Nangangahulugan ito na ang average farmgate price ng itlog na katamtaman ang laki ay mabibili na ngayon sa P6.55 mula sa dating P6.35.

Ang mababang suplay ng itlog ayon kay San Diego ay bunsod ng pananalasa ng nagdaang bagyong Egay at Goring na nakaapekto sa industriya ng poultry sa mga lugar sa hilaga gayundin dahil sa epekto ng bird flu na tumama sa bansa.

Aniya, maaaring magtagal hanggang sa unang semester ng 2024 ang mababang suplay ng itlog at maaaring bumalik ito sa normal sa second half na ng 2024.