Bumagsak na ng 50% ang presyo ng kamatis sa mga pangunahing pamilihan, batay sa report ng Department of Agriculture (DA).
Ayon kay DA Asec. Arnel De Mesa, mula sa dating P240 kada kilo nitong nakalipas na lingo, umaabot na lamang sa P120 ang kada kilong presyo ng kamatis sa mga pamilihan ngayong lingo.
Ito ay malayong-malayo na mula sa dating P350 hanggang P360 na kada kilong presyo sa pagpasok ng 2025.
Una nang tinaya ng DA na sa pagtatapos ng Enero 2025 o unang bahagi ng Pebrero 2025, maaaring bumalik na sa normal ang presyo ng kamatis.
Katwiran ng ahensiya, naapektuhan ang supply ng kamatis sa huling bahagi ng 2024 dahil na rin sa magkakasunod na kalamidad ngunit kasabay ng unti-unting anihan sa mga probinsyang pangunahing supplier ng kamatis ay bumabalik na rin ang normal na supply.
Batay sa datus ng DA, hanggang 45% ng tomato production ang naapektuhan sa mga magkakasunod na bagyo.