Lalo pang tumaas ang retail price ng kamatis sa kamaynilaan matapos maitala ang mula P130 hanggang P200 na presyuhan kada kilo.
Batay sa monitoring na isinagawa ng Department of Agriculture sa Metro Manila, ang retail price ng kamatis ay tumaas ng halos P20.00 kada kilo.
Ito ay mula sa dating P110 hanggang P180 kada kilo, depende sa kalidad/klase.
Noong nakalipas na linggo, ang presyuhan para sa naturang agri commodity ay umaabot lamang sa P70 hanggang P140 kada kilo.
Maalalang una nang tiniyak ni Agriculture Assistant Secretary at spokesman Arnel de Mesa ang pagtutok ng DA sa naturang sitwasyon.
Ayon kay Asec de Mesa, ang pagtaas ng retail price ng kamatis ay posibleng dahil na rin sa naging epekto ng bagyong Aghon na unang naka-apekto sa Southern Tagalog.
Ayon kay de Mesa, inaasahang tataas na rin ang supply ng kamatis, kasabay ng pagpasok ng maraming stock sa panahon ng anihan.