Nanatili ang presyo ng kamatis sa Pasay public market kasunod ng paglobo ng presyo nito sa P400 ang kada kilo sa malalaking mga pamilihan sa Metro Manila.
Kasabay ng pag anunsyo ng Philippine Statistics Authority (PSA) ng pagtaas ng inflation rate o yung bilis ng presyo ng mga bilihin na umabot sa 2.9 % mula sa 2.5 % noong Nobyembre nang nakaraang taon.
Kung saan inanunsyo ng ahensya ang bilis ng pagtaas ng presyo ng kamatis na umabot na sa 120% habang tumaas din ang presyo ng baboy, manok at iba pang mga pagkain.
Ngunit sa pag-iikot ng bombo radyo dito sa Pasay Public Market nanatili ang presyo ng Kamatis sa P220 ang kada kilo.
Ayon sa nagtitinda ng gulay na si Leonora Vergara hindi sila makapagtaas ng presyo dahil sa matumal parin ang kanilang tinda simula noong Disyembre pa, na kung mag tataas man daw sila paniguradong ‘wala na raw bibili sa kanila.
Kapansin-pansin din ang pagbaba ng ilang presyo ng gulay sa Pasay public market na halos nasa P20 hanggang P80 ang ibinaba.
Mula sa repolyo na P70 na ang kada kilo sa dati nitong P120 per kilo. Carrots P140 na lang ngayon ang kada kilo, sayote na P40 ang per kilo. Kasama ring bumaba ang sibuyas, kalamansi, bell pepper at siling labuyo habang nanatili ang presyo ng bawang.
Nagtaas naman ng P20 hanggang P40 ang presyo ng kada kilo ng talong at ampalaya,
Kaugnay nito sinabi ni Agriculture Assistant Sec. Arnel de Mesa na lubha kasing naapektuhan ng mga bagyo ang mga taniman ng kamatis at dahil dito asahan na mananatili ang presyo ng kamatis hanggang sa katapusan ng Enero, 2025.
Nagtaas rin ng P40 ang ilang presyo ng baboy at manok, habang stable parin ang presyo ng bigas sa P42 (local) hanggang P65 (imported) sa pasay public market.