Lalo pang tumaas ang presyo ng kamatis sa mga pamilihan, batay sa monitoring ng Department of Agriculture.
Sa huling update ng ahensiya, umakyat na sa P360 kada kilo ang presyo ng kamatis, lalo na ang magaganda ang kalidad.
Ibig sabihin nito, ang isang kilo ng kamatis ay mas mahal pa kaysa sa isang kilo ng manok na umaabot lamang sa P240 kada kilo. Ito ay halos katumbas na ng kada kilong presyo ng pork shoulder na kasalukuyang nasa P390 kada kilo.
Ayon sa DA, ang mga medium-sized na kamatis ay aabot na ng P20.00 kada piraso o mas higit pa.
Una nang sinabi ng ahensiya na ang mga magkakasunod na bagyong tumama sa Pilipinas ang pangunahing dahilan ng labis na naka-apekto sa suplay at presyo ng mga agricultural products, pangunahin na ang mga gulay tulad ng kamatis.
Maliban sa kamatis, binabantayan din ng DA ang labis na pagtaas ng presyo ng siling labuyo sa mga merkado.
Batay sa update ng ahensiya, umaabot na sa P1,000 ang kada kilong presyo ng siling labuyo mula sa dating P900 kada kilo, ilang araw na ang nakakalipas.