-- Advertisements --
image 485

Ibinabala ng Philippine Association of Feed Millers Inc. (Pafmi) ang posibleng pagtaas pa lalo ng mga presyo ng mga poultry at iba pang produkto sa Pilipinas.

Ito ay dahil na rin sa nagpapatuloy na mababang local supply ng mais at ang pagbaba na rin ng kalidad ng mga ito.

Ayon kay Pafmi President Edwin Mapanao, ang mais ang pangunahing sangkap na ginagamit sa paggawa ng pagkain ng mga hayop at tiyak na makaka-apekto ang mababang supply nito, kasama na ang mababang kalidad nito.

Tinukoy ni Mapanao ang presyo ng itlog, karne ng manok, baboy, isda, at iba pang agricultural products na maapektuhan sa naturang problema.

Kailangan aniyang tutukan na ng pamahalaaan ang mas mataas na produksyon, kasama na ang pagbibigay importansya sa kalidad ng mga produktong mais sa bansa.

Batay sa pinakahuling report ng Department of Agriculture (DA)-National Corn Program, naitala ang pagtaas ng local corn sufficiency o kasapatan ng supply ng mais nitong Hulyo, 2023 mula 64 patungong 73%

Ngunit ayon sa grupo, hindi pa nakalagay dito ang naging epekto o implikasyon ng mga malalaking kalamidad na tumama sa Pilipinas, katulad ng mga bagyo at El Nino.

Sa kaslaukuyan, hindi nagagawa ng mga magsasaka ng bansa na tugunan ang pangangailangan ng mais sa Pilipinas.

Umaabot kasi sa 9.5 million metriko tonelada ang kabuuang demand sa mais, habang ang produksyon lamang sa Pilipinas ay umaabot ng hanggang 7.0 metriko tonelada.

Humigit-kumulang tatlong milyong tonelada ng mais ang inaangkat ng Pilipinas.