TUGUEGARAO CITY -Kulang pa rin ang produksyon ng baboy at manok sa Cagayan Valley na sanhi upang manatiling mataas pa rin ang presyo ng karne nito sa pamilihan.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Regional Executive Director Narciso Edillo ng department of asgriculture region 2 na bagamat bumaba na ang presyo ng kada kilo ng live weight ng baboy ay nananatili pa ring mataas ang presyo ng karne nito dahil sa naitalang 98% na kakulangan sa produksyon.
Paliwanag ni Edillo sa nagkukulang na suplay sa rehiyon dahil halos namatay o kasama sa isinailalim sa culling ang lahat ng breeder ng mga alagang baboy kasabay ng African Swine Fever at ang epekto ng umiiral na restriction sa importasyon ng poultry products tulad ng mga breeder dahil sa avian influenza o bird flu.
Kasabay nito ay umaasa si Edillo na matanggal na ang restriction sa importasyon ng mga breeder na baboy at manok mula sa ibang bansa para sa repopulation.
Bukod sa baboy at manok, sinabi ni Edillo na may kakulangan rin ng isda sa rehiyon bagamat nasa 35% lamang habang ang production output naman para sa palay, mais at gulay ay nananatiling mataas o walang nakikitang kakulangan.
Ipinag-utos rin aniya ni Agriculture Secretary at Pangulong Ferdinand BongBong Marcos Jr ang pagpapaigting sa pagbabantay at kampanya o Prevention and Control Measures laban sa ASF at bird flu.
Inihalimbawa ni Edillo ang maagap na pag-uulat sa nangyaring sunud-sunod na pagkamatay ng mahigit isang libong alagang manok at pato ng mga backyard raisers mula sa pitong Brgy sa bayan ng Amulung West dahil sa newcastle disease o sengaw sa local dialect.
Bilang prevention ay namigay ang DA ng disinfectant para sa mga kulungan at binigyan ng injectible vitamins ang mga hindi namatay na alagang pato o manok habang tinitignan na rin ng ahensya ang tulong pinansyal na maaaring maibigay sa mga apektadong magsasaka.
Sa ngayon din aniya ay nasa 63 bayan na sa rehiyon ang posibleng maibaba na sa pink zone o buffer status matapos tamaan ng ASF na sa kasalukuyan ay nasa red zone status o infected subalit may mga requirements pang kailangang matugunAN.
Kasabay nito ay nanawagan si Edillo sa publiko na ipagbigay-alam sa mga otoridad kung sakaling may napag-alaman na impormasyon tulad ng hindi normal na pagkamatay ng mga baboy o manok; iligal na pagpasok at pagbebenta nito at pagbabawal sa swill feeding o pagpapakain sa mga baboy ng tira-tirang pagkain.
Kabilang din sa mga naging direktiba ni Marcos ay ang pagtutok sa produksyon ng palay kung saan iniutos nito ang pagbibigay ng binhi sa mga magsasaka para sa mga magtatanim pa lamang ngayong buwan hanggang Agosto.