-- Advertisements --

Naniniwala ang grupong Pork Producers Federation of the Philippines na bababa na ang presyo ng karne ng baboy sa susunod na apat na lingo.

Ayon sa presidente ng grupo na si Rolando Tambago, labis na umakyat ang demand para sa karne ng baboy nitong nakalipas na holiday kumpara sa holiday demand noong 2023.

Matapos ang Christmas at New Year celebrations, muli ring umakyat ang demand nitong Lunar New Year celebration.

Gayunpaman, asahang bababa na aniya ang demand sa huling bahagi ng Pebrero at unang bahagi ng marso habang nalalapit na ang Holy Week.

Ito aniya ang kadalasang nangyayari sa mga merkado sa Pilipinas.

Ngayong lingo, ilang merkado ang nakitaan na ng hanggang P460 kada kilo na presyuhan sa karne ng baboy

Ayon kay Tambago, ang naturang presyo ay taliwas sa P220 hanggang P225 per kilo na farmgate price, bagay na itinuturing bilang mababa.

Una nang tinitingnan ng Department of Agriculture (DA) ang posibilidad ng pagpapataw ng maximum retail price sa mga karne ng baboy sa merkado dahil sa halos hindi makontrol na pagsipa ng presyo.