Patuloy ang pagtaas ng presyo ng karne ng manok sa mga pamilihan.
Batay sa pinakahuling price monitoring report ng Department of Agriculture (DA), naglalaro na mula P190 hanggang P250 ang kada kilong presyo ng karne ng manok sa mga pamilihan sa Metro Manila.
Ito ay tumaas ng halos P30 mula sa dating P160 hanggang P220 kada kilo noong nakalipas na buwan.
Ayon naman kay United Broiler Raisers Association (UBRA) president Jose Gerardo Feliciano, masyadong mataas ang P250 kada kilo na presyuhan ng karne ng manok.
Dapat aniyang naglalaro lamang ito mula P210 hanggang P230 kada kilo.
Paliwanag ni Feliciano, ang pagtaas ng presyo ng karne ng manok dahil na rin sa pagbaba ng broiler stock matapos bawasan ng mga poultry raiser ang kanilang inaalagaang mga manok na pangkatay upang makabawi sa kanilang mga pagkalugi sa nakalipas na mga buwan.
Batay sa kasalukuyang presyuhan ng mga sisiw(broiler stock), tumaas na ito ng hanggang P43 kada piraso.
Ito ay halos doble na ng dating presyo na umaabot lamang sa P24 kada sisiw.
Sa ngayon ay nagkakaroon na rin aniya ng panic sa bahagi ng mga producer, na nangangahulugang manipis na ang supply ng mga day-old chicks.
Sa kabila nito, siniguro naman ni Feliciano ang sapat na stock ng mga broiler sa bansa, para tugunan ang konsumo/demand.