-- Advertisements --

Nananatiling mataas pa rin ang presyo ng karneng baboy sa kabila pa ng ipinapatupad na maximum suggested retail price (MSRP).

Ayon kay Agriculture Assistant Secretary for agribusiness, marketing and consumer affairs Genevieve Velicaria-Guevarra, sa kanilang pagbisita sa mga palengke, naobserbahang mas mataas ng P60 kada kilo ang retail price ng baboy mula sa MSRP.

Sa pork belly, ibinibenta ito sa presyong P420 hanggang P440 kada kilo habang sa pork shoulder naman ay nasa P370 hanggang P380 kada kilo, malinaw na mas mataas kumpara sa maximum SRP ng pork shoulder na P360 kada kilo at pork belly na P380 kada kilo.

Nakakaalarma aniya ito lalo na’t ang farmgate price ng karneng baboy ay nananatiling nasa P250 hanggang P255.

Ginawa ng opisyal ang naturang obserbasyon sa gitna ng pinaigting pa na joint market monitoring operations ng Department of Agriculture at Department of Trade and Industry sa Metro Manila para masolusyunan ang labis na presyo at protektahan ang mga konsyumer.

Samantala, nangako naman aniya sa isinagawang consultative meetings ang hog raisers na panatilihin ang farm gate price sa maximum P230 kada kilo para lagyan ng cap ang retail price sa karneng baboy.

Hinimok naman ng DA official ang retailers na ihanay ang kanilang mga presyo sa guidelines ng gobyerno lalo na’t bumaba na ang ilang delivery costs.