Panahon na para maibaba ang presyo ng kuryente para sa kapakinabangan ng mga Pilipino.
Ito ang iginiit ng liderato ng Kamara de Representantes at mga miyembro ng Young Guns kasabay ng kanilang papuri sa pahayag ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na isailalim sa komprehensibong pagrepaso angĀ Electric Power Industry Regulation Act (EPIRA) upang mapababa ang presyo ng kuryente at magkaroon ng seguridad sa enerhiya ang bansa.
Sinang-ayunan ng mga mambabatas ang pahayag ni Speaker Romualdez na magsagawa ang Kamara ng komprehensibong pag-aaral sa EPIRA upang tuluyang mapababa ang presyo ng kuryente.
Bagamat mayroom umanong mga inihayag na plano noong nakaraan, wala pa anilang nagsagawa ng pag-repaso sa naturang batas.
Kasama ang pag-amyenda sa EPIRA sa 28 panukala tinukoy sa Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) na bibigyang prayoridad ang pagpasa bago matapos ang 19th Congress sa Hunyo 2025.
Kasabay ng pagtalakay ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa pag-renew sa prangkisa ng Manila Electric Company (Meralco), iginiit ng mga mambabatas na panahon na ring isabay ang diskusyon sa pagpapababa ng singil sa kuryente.
Kung mapapababa umano ng kasalukuyang Kongreso ang presyo ng kuryente ay mangangahulugan na nagawa nito ang nabigong gawin ng mga nagdaang Kongreso.
Kapwa ipinunto ng mga lider ng Kamara at Young Guns na kung maibababa ang presyo ng kuryente ay magreresulta ito sa pag-unlad ng ekonomiya.
Target aniya ng Kamara na matapos ang mga pagbabago sa EPIRA bago ang Christmas break ng Kongreso.
Ang Pilipinas ang isa sa may pinakamataas na singil sa kuryente sa buong ASEAN region.