LAOAG CITY – Bumaba ng 70 sentimos kada kilowatt kada oras ang presyo ng kuryente dito sa Ilocos Norte kahit tumaas ang konsumo ng kuryente ng mga member consumers.
Ito ang masayang ibinalita ni Mr. Cipriano “Perry” Martinez, ang Acting General Manager ng Ilocos Norte Electric Cooperative o INEC.
Aniya, nakipagkontrata sila sa Aboitiz Group, ang kasalukuyang supplier ng kooperatiba, na may 52 megawatts.
Aniya, umabot sa mahigit 60 megawatts ang mga nakaraang araw lalo na sa gabi na oras sa pagtulog ng mga tao kaya naman naobserbahan nila ang pagtaas ng konsumo sa kuryente.
Dahil dito, sinabi ni Martinez na araw-araw ay may tatlo hanggang apat na transmitters na sumasabog kaya naman hindi na siya makatulog dahil kailangan itong matugunan kaagad.
Aniya, kung mas mataas ang konsumo ng kuryente kaysa sa nakasaad sa kontrata, bababa ang kuryente.
Gayunpaman, ipinaliwanag niya na napanatili nila ang mababang rate ang kilowatt kada oras dahil sa Anti-bill Shock Lending Program sa Landbank.
Sa pamamagitan ng programa, humiram sila ng mahigit P100 milyon para maiwasan na mahirapan ang mga member consumers sa kinakailangang bayad sa supplier.
Paliwanag niya, bawat buwan ay kumukonsumo ang lalawigan ng 29 megawatts ngunit nitong nakaraang dalawang buwan ay tumaas ito sa 7 million megawatts o 20% na pagtaas.
Ang presyo ng kuryente sa lalawigan ay kasalukuyang nasa 9.52 kada kilowatt kada oras ngayong Mayo, bumaba ng .70 sentimos mula sa 10.48 kada kilowatt kada oras noong Abril.