-- Advertisements --

LA UNION – Bago pa man ang pag-alala sa Araw ng mga Patay ay tumaas na ngayon ang presyo ng mga bulaklak na iaalay.

Sa panayam ng Bombo Radyo La Union kay Rosemarie Abubo, flower vendor ng San Fernando City Public Market, sinabi nito na abala na sila sa pagsasaayos ng mga bulaklak na pang-alay sa mga namatay.

Ayon kay Abubo, gumaganda na rin ngayon ang kanilang benta dahil sa unti-unti na silang nakakabangon buhat nang maideklarang lockdown ang buong bansa.

Tiniyak rin ni Abubo na supisyente ang suplay ng mga paninda nilang bulaklak at mayroon pa silang inaasahan na darating mula sa syudad ng Baguio.

Gayunman, tumaas din ang presyo ng ilan sa mga bentang bulaklak sa merkado publiko.

Ilan sa presyo ng mga bulaklak ay mabibili sa halagang P50 hanggang P1,200 depende sa laki at sa pagkakaayos nito.

Maliban sa mga bulaklak ay mabenta na rin ang mga kandila na mabibili sa halagang P10 hanggang P150.