LAOAG CITY – Isang kahihiyan at sampal sa gobyerno ang mataas na presyo ng mga gulay sa kabila ng pagiging agricultural country ng Pilipinas.
Ito ang iginiit ni Miss Cathy Estavillo, secretary ng Bantay Bigas Group.
Binigyang-diin ni Estavillo na responsibilidad ng gobyerno na bilhin ang mga produkto ng mga magsasaka at tiyakin ang post-harvest facilities at sa peak season ay inilalagay ang mga ito sa cold storage.
Aniya, sa panahon ng lean season, inilalabas din ang mga produktong ito upang hindi maapektuhan ang presyo ng mga gulay sa pamilihan.
Ibinunyag din ni Estavillo na cold storage ang pangunahing pangangailangan ng mga magsasaka ngunit hindi ito maibigay-bigay ng gobyerno.
Dagdag pa niya, isa sa mga dahilan kung bakit mahal ang pagbebenta ng mga produktong agrikultura sa merkado ay dahil hindi ipinapatupad ng gobyerno ang price control at ang masakit isipin ay ang kawalan ng tulong ng gobyerno sa mga magsasaka upang matiyak na ito ay mabibili sa makatwirang presyo nang sa gayon ay maiwasan ang pagkalugi ng mga magsasaka.