-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Nakatutok ngayon ang Department of Trade and Industry (DTI) Region 2 sa mga school supplies dahil may mga paaralan nang nag-umpisa ang pasukan habang kasalukuyan naman ang paghahanda ng Department of Education (DEPED) sa nalalapit na pasukan sa August 29.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Assistant Regional Director Winston Singun ng DTI Region 2 sinabi niya na dahil kabilang sa prime commodities ang mga school supplies ay kailangan nila itong bantayan o imonitor.

Batay sa kanilang monitoring ay wala namang pagtaas sa presyo ng mga school supplies sa rehiyon bagamat may paggalaw sa presyo.

Bago ang pasukan ay naglabas na sila ng price monitoring at pagbibigay ng paalala sa mga negosyante maging ang pagsusuri sa mga ipinapatupad nilang presyuhan at kalidad ng ibinibenta nilang school supplies.

Nanawagan naman siya sa mga consumer na kung may mga commodities na sakop ng DTI ang nabili na hindi maganda ang kalidad o hindi naaayon sa presyo ay agad itong ipabatid sa kanilang tanggapan at sa kanilang social media page maging sa mga local price monitoring council sa iba’t ibang bayan.