-- Advertisements --

AFGHANISTAN – Nagmahal ang mga bilihin sa Afghanistan ngayon na kontrolado ng mga Taliban ang bansa.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Dr. Evangeline Cua, surgeon ng Doctors Beyond Borders at clinical director ng Kunduz Trauma Center, bukas na ang 60 porsyento ng mga negosyo sa Afghanistan ngunit sarado pa ang mga bangko.

Ayon sa Pinay doctor, bukas ang mga supermarket sa Afghanistan ngunit mahirap ang access ng mga residente sa kanilang pera dahil wala ring laman ang mga automated teller machines.

Mahirap rin aniya ang access ng mga Afghans sa imported na pangangailangan dahil sarado ang border sa Iran, Pakistan at Tajikistan kaya nagmahal ang basic commodities kasabay ng pagtaas nga presyo ng dolyar laban sa local currency.

Nang dumating si Cua sa Afghanistan noong Agosto 1, 79 Afhani o P45.82 ang katumbas ng isang US Dollar ngunit sa ngayon, tumaas ito sa 103 afghani o P59.74.

Nasira rin ang ilang mga daan mula sa Kunduz papunta sa capital city ng Kabul kasabay ng bakbakan ng Afghan forces at mga Taliban kaya mahirap ang bumyahe.

Mabuti nalang ayon sa Pinay surgeon dahil may supply na ipinadala ang Doctors Beyond Borders kaya hindi problema ang pagkain ng mga miyembro ng humanitarian medical organization.

Ito na ang ikaapat na beses na dineploy si Cua sa Afghanistan upang gumamot sa mga pasyente na nasugatan sa gyera.