Posible umanong bumaba na ang presyo ng sibuyas sa susunod na buwan.
Ayon kay Rosendo So, presidente ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG), inaasahang bubulok sa P120 kada kilo ang presyo ng sibutas dahil na rin ang nalalapit na anihan ng mga local farmers.
Aniya, tinatayang aabot sa 20,000 metric tons ang aanihing sibuyas sa buwan ng Pebrero.
Dagdag ni So, ang farm gate price ng sibuyas sa susunod na buwan ay papalo sa P80 hanggang P100 a kilo dahil sa dami ng maaani ng mga magsasaka.
Puwede naman daw itong ibenta sa halagang P120 hanggang 150 kada kilo sa retail stores.
Sa ngayon, naglalaro pa rin sa P400 hanggang sa P600 ang presyo ng kada kilo ng sibuyas sa mga wet markets base sa monitoring ng Department of Agriculture (DA).
Ang mataas na presyo naman ng sibuyas sa ngayon ay posible umanong epekto ng hindi pag-angkat ng gobyerno ng sibuyas noong panahon na dapat ay mag-aangkat ang Pilipinas ng sibuyas.
Ipinaliwanag naman ni DA Spokesperson Rex Estoperez, na ang hindi nila pagpayag na pag-import ng sibuyas ay dahil sa dami na rin ng mga sibuyas na kanilang nasabat.
Ngayong linggo lamang nang inaprubahan ng Department of Agriculture ang importation ng 21,060 metric tons ng sibuyas para mapababa ang presyo nito.
Sinabi ni Estoperez na inaasahan na dadating ang mga imported onions sa bansa sa Enero 27.