Tumaas na sa P340 kada kilo ang presyo ng pulang sibuyas lalo’t ilang linggo na lamang ay araw na ng kapaskuhan habang ang siling labuyo naman kahit sa pinakamaliit ay pumalo sa P700 kada kilo sa ilang mga pamilihan sa gitna ng mahigpit na supply nito.
Batay sa price watch ng Dept. of Agriculture , ang mga pulang sibuyas ay ibinebenta partikular na sa mga pamilihan dito sa Metro Manila sa halagang aabot sa P340 kada kilo.
Sa ibang pamilihan naman, umabot sa P300 kada kilo ang retail prices ng sibuyas mula sa presyo nito noong nakaraang linggo na naglalaro lamang sa P270 pesos kada kilo.
Dagdag pa ng Dept of Agriculture, ang retail price ng siling labuyo ay nasa P700 kada kilo at Nabibili ito ng P550 hanggang P650 kada kilo sa ibang mga bilihan o supplier ng nasabing produkto.
Ang sili at sibuyas daw kasi ay mataas ang demand ngayong nalalapit na ang araw ng kapaskuhan dahil isa ito sa pangunahing sangkap sa mga lutuin.
Una na rito, inaasahan ang pagdating ng mga bagong stocks ng sibuyas at sili sa Pebrero sa susunod na taon ngunit siniguro naman ng Dept of Agriculture na may sapat na supply nito ngayong kapaskuhan hanggang sa unang bahagi ng susunod na taon.