Bumaba ang farmgate price ng sibuyas sa P40 kada kilo sa ilang rehiyon partikular na sa Ilocos sa gitna ng mataas na demand sa naturang produkto ngayong holiday season ayon sa grupo ng mga magsasaka na Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG).
Paliwanag ni SINAG chairman Rosendo So na magsisimula ng dumating sa bansa ang 21,000 inangkat na sibuyas kasabay ng pagsisimula na rin ng anihan sa Enero hanggang Pebrero na pipigil sa posibleng pagsipa sa retail price ng sibuyas at maiwasan maulit ang mataas na presyuhan gaya ng nangyari noong December noong nakalipas na taon na pumalo sa P720 kada kilo.
Inaasahang darating sa bansa ang inangkat na sibuyas sa mismo o bago ang katapusan ng Disyembre.
Base naman sa monitoring ng Department of Agriculture sa mga pamilihan sa Metro Manila, ang retail price ng lokal na pulang sibuyas ay naglalaro sa pagitan ng P120 at P220 kada kilo, ang lokal na puting sibuyas naman ay ibinibenta sa pagitan ng P100 at P160 kada kilo at ang inangkat na puting sibuyas naman ay pumapalo sa P80 at P160 kada kilo.
Samantala, ang wholesale price naman ng upland vegetable sa benguet ay bumaba dahil sa inaasahang demand ngayong Pasko kung saan ang presyo ng carrots ay mabibili as P17 hanggang P30. – EVERLY RICO