-- Advertisements --
image 88

Inaasahang bababa na ang presyo ng sibuyas sa buwan ng Pebrero.

Ito ay bunsod ng inaasahang pagsisimula na ng anihan sa susunod na linggo.

Ayon kay Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) President Rosendo So, kasalukuyang nasa P250 ang farmgate price ng pulang sibuyas partikular na sa bayan ng Bayambang sa lalawigan ng Pangasinan at bayan ng Bongabong sa Oriental Mindoro.

Umaasa naman ang grupo na magtutuluy-tuloy na ang ani na magsisimula na sa Enero 15 kayat inaasahan na dadami na ang maani sa ikalawa at ikatlong linggo ng kasalukuyang buwan.

Ayon kay So, pumapalo sa humigit kumulang P200 kada kilo ang presyuhan ngayong buwan ng sibuyas at inaasahang bababa na ito sa P150 hanggang P170 kada kilo sa susunod na buwan.

Nasa 8000 hanggang 9000 metric tons naman ng sibuyas ang maaani ngayong buwan at inaasahang tataas ito sa 20,000 metric tons sa susunod na buwan.