-- Advertisements --

Tiniyak ng Department of Trade and Industry (DTI) na sapat ang supply ng noche buena items at mga pangunahing bilihin hanggang ikalawang quarter ng susunod na taon.

Pagtitiyak ito ni Trade Undersecretary Ruth Castelo sa harap ng pagkukumahog ngayon ng publiko na humabol mamili ng handa para sa Pasko at Bagong Taon.

Sinabi ni Usec. Castelo, wala ring pagtaas sa presyo ng noche buena products at ang iiral ay ang 2019 na presyo pa rin.

Ayon kay Usec. Castelo, pinapayuhan nila ang publiko na sa mga grocery stores at supermarkets mamili dahil umiiral dito ang suggested retail price (SRP).

Hindi na kasi umano saklaw ng DTI ang presyo sa mga convenient stores at mga sari-sari stores dahil nakailang salin na ang mga produkto rito kaya karaniwan talagang may mataas na silang presyo.

Sa mga negosyante naman umanong nagsasamantala sa presyo ng mga pangunahing bilihin, hinikayat ni Usec. Castelo ang publiko na isumbong agad ito sa kanilang consumer hotline na 1384 para maisyuhan agad nila ng letter of inquiry.

Inihayag ni Usec. Castelo na kapag nabigong makapagpaliwanag ang mga negosyante at hindi ibinalik sa dating presyo ang mga pangunahing bilihin o prime commodities, saka nila ito kakasuhan na may katumbas na multa at parusang pagkakakulong.