-- Advertisements --

Binigyang-diin ng Department of Trade and Industry (DTI) na nakadepende sa supply at demand ang galaw ng presyo ng mga pangunahing produkto sa palengke lalo ngayong Kapaskuhan.

Sinabi ni Trade Sec. Ramon Lopez, halimbawa na rito ang manok at baboy dahil may mga factor kung saan nakabatay ang pagtaas at pagbaba ng presyo nito.

Ayon kay Sec. Lopez, sa iba naman umanong mga pangunahing bilihin sa mga palengke, supermarket at tindahan, nasa ilalim naman ito ng suggested retail price (SRP).

Para naman daw sa noche buena items, nakisama ang mga manufacturers para sa taong ito at hindi nagtaas ng presyo.

Inihayag ni Sec. Lopez na presyo noong 2019 pa rin ang pinaiiral ngayong taon sa noche buena products na pangkaraniwan ay nagtataas ng tatlo hanggang limang porsyento kada taon.