-- Advertisements --

Inalis na ng Office of the Ombudsman ang preventive suspension ng 72 warehouse supervisors ng National Food Authority (NFA) na isinasangkot sa umano’y iregular na pagbebenta ng rice buffer stock sa piling traders.

Ayon sa Ombudsman, ang punto ng preventive suspension sa nasabing kawani ng NFA ay para maiwasan na maimpluwensiyahan ng mga respondent ang imbestigasyon at mapreserba ang mga ebidensiya na nasa ilalim ng kontrol at kustodiya ng mga respondent.

Sinabi din ng Ombudsman na ang mga dokumento sa ilalim ng warehouse supervisors ay hawak na ng kaniyang tanggapan.

Inihayag din nito na walang sapat na basehan para paniwalaan na ang kanilang pananatili sa opisina ay maaaring makakompormiso sa imbestigasyon sa kasong isinampa laban sa kanila.

Matatandaan na kabilang ang 72 warehouse supervisors sa 139 opisyal at empleyado ng NFA na pinatawan ng 6 na buwang preventive suspension.

Nag-ugat ang suspensiyon ng mga opisyal at empleyado ng NFA mula sa inihaing administrative charges kabilang ang Grave Misconduct, Gross Neglect of Duty at Conduct Prejudicial to the Best Interest of the Service kaugnay sa pagbebenta ng NFA rice sa piling traders sa mababang presyo at walang public bidding o awtorisasyon mula sa NFA Council.

Ang mga NFA warehouse supervisors ay mula sa Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Western Visayas, Central Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Soccskargen,Caraga, at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.