Hindi inirerekomenda ng Department of Agriculture (DA) ang pagpapataw ng retail price ceiling o suggested retail price sa bigas sa kabila pa ng patuloy na pagsipa ng rice inflation sa naturang produkto.
Paliwanag ni Agriculture Assistant Sec. at spokesperson Arnel de Mesa na posibleng magkaroon ng epekto kung magpapataw ng price cap o SRP kalaunan.
Ginawa ng opisyal ang pahayag kasunod ng ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na isa sa pangunahing pagkain na nag-ambag sa pagtaas ng inflation noong Marso ng kasalukuyang taon ay ang rice inflation na pumalo sa 24.4% noong Marso mula sa 23.7% noong Pebrero at 2.6% noong nakalipas na taon.
Ito rin ang itinuturing na pinakamabilis na pagtaas ng presyo ng bigas simula noong Pebrero 2009 na nakapagtala ng 24.6%.
Inaasahan din aniya ang pagsipa ng rice inflation hanggang sa Hulyo.
Sa kabila naman ng double-digit, year-on-year rice inflation, sinabi ni De Mesa na ang retail price ng bigas ay bumababa sa month-on-moth basis mula sa P52 kada kilo noong Marso, ngayon ay nasa P49 hanggang P50 kada kilo.
Inulit naman ni De Mesa ang projection ng PSA na magpapatuloy ang rice inflation sa upward trajectory hanggang Hulyo subalit magbabalik ito sa normal sa Agosto.
Nananatili din aniyang target at layunin ng DA ang pangako sa kampaniya noon ni PBBM na maibaba ang retail price ng bigas sa P20 kada kilo.