-- Advertisements --

Hindi sapat ang pagpapatupad ng price ceiling sa karne ng baboy at manok para masolusyunan ang problema sa pagsirit ng presyo ng pagkain sa mga pamilihan, ayon sa ekonomista na si Marikina Rep. Stella Quimbo.

Ayon kay Quimbo kailangan ng halu-haluong policy responses upang sa gayon ay matugunan ang problema sa food inflation.

“We need coherent, coordinated polices to avoid prolonged inflation and work towards food security,” ani Quimbo.

Una, kailangan aniya ng cash assistance para sa mga magsasaka na naapektuhan ng mga kalamidad, katulad na lamang ng African swine fever at mga malalakas na bagyo.

Pangalawa, dapat bumaba rin ang taripa sa mga imported na karne dahil masyadong mataas ang 30 hanggang 40 porsiyento na taripang ipinapataw sa kasalukuyan.

Pangatlo, dapat gamitin aniya ang kita mula sa sinisingil na taripa para ma-develop ang local farming at livestock industry.

Pang-apat, dapat paigtingin ang kilos ng Philippine Competition Commission laban sa mga traders na bumabarat sa mga magsasaka at livestock producers

Pang-lima, paigtingin din aniya dapat ng Bureau of Customs ang enforcement laban sa smugglers.