Kinalampag ng grupo ng mangingisda ang Department of Agriculture (DA) na magpatupad ng price control sa mga isda kasunod ng pananalasa ng bagyong Kristine at Leon.
Base sa monitoring din ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) mula Oktubre 29 hanggang 31 sa mga palengke sa Cavite, Rizal at Quezon city, ang presyo ng galunggong ay nasa pagitan ng P220 hanggang P240 kada kilo.
Ang presyo naman ng tilapia ay ibinibenta sa halagang P160 hanggang P180 kada kilo at ang bangus ay nasa P180 kada kilo.
Naobserbahan na nasa P40 ang itinaas ng presyo ng naturang mga panindang isda bago tumama ang bagyong Kristine sa bansa na nag-iwan ng malaking halaga ng pinsala sa sektor ng pagsasaka at pangisdaan.
Sa kabila nito, ipinunto naman ni Pamalakayaa Vice Chair Ronnel Arambulo na hindi lamang ang mga bagyo ang dapat sisihin sa pagtaas ng presyo ng mga isda sa mercado kundi ang mga private tarders na nananamantala sa epekto ng kalamidad para mamanipula ang mga presyo.
Bunsod nito, hinimok ni Arambulo ang DA na dapat magpatupad ng konkretong mga hakbang para matiyak na hindi sasamantalahin ng mga trader ang pagpapataas ng presyo ng mga isda sa pamamagitan ng price control o direktang pagbili ng mga isda mula sa mga mangingisda.