Ipinatupad na ng Department of Energy ang price freeze para sa mga produktong Liquefied Petroleum Gas (LPG) sa cylinders 11kg. pababa maging ang kerosene.
Ito ay epektibo para sa mga lalawigan na apektado ng umiiral na El Niño Phenomenon.
Sa isang pahayag, sinabi ng DOE na ito ay epektibo sa loob lamang ng labing limang araw.
Saklaw nito ang bayan ng Paglat, Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), Province of Maguindanao.
Ginawa ng DOE ang hakbang matapos na magdeklara ang munisipyo ng Paglat ng State of Calamity.
Ito ay dahil na rin sa nararanasang matinding tagtuyot sa nasabing lalawigan.
Ang bisa ng price freeze ay nagsimula noong April 4 at magtatapos sa April 18 ng kasalukuyang taon at batay na rin sa ipinasa ng sangguniang bayan na Resolution No. 40 Series of 2024.