Pinapatiyak ng Department of Energy ang pag-iral ng price freeze sa mga produktong LPG na ibinebenta sa mga lugar na nasa ilalim ng State of Calamity (SOC) dahil sa pananalasa ng Supertyphoon Julian.
Ayon sa DOE, otomatikong nakalatag ang price freeze sa mga lugar na nagdedeklara ng SOC dahil sa kalamidad. Ibig sabihin, hindi dapat gagalaw ang presyo ng LPG sa mga naturang lugar sa loob ng 15 araw mula sa deklarasyon ng SOC.
Saklaw nito ang mga LPG na may bigat na 11kgs pababa o yaong mga kalimitang ginagamit sa household, kasama na ang iba’t-ibang mga kerosene products.
Sa kasalukuyan ay nasa ilalim na ng SOC ang probinsiya ng Batanes at Ilocos Norte dahil sa ST Julian.
Unang nagdeklara ng SOC ang Ilocos Norte noong October 1 kayat magtatagal ang price freeze hanggang October 15. Noong October 2 ay nagdeklara na rin ang Batanes ng SOC kaya’t magtatagal ang price freeze hanggang October 16.
Sa dalawang nabanggit na probinsya, bawal ang pagtaas ng presyo ng mga LPG at kerosene products, kahit pa may price increase na ipinapatupad ang mga petroleum companies.
Pinayuhan naman ng DOE ang publiko na isumbong sa ahensiya ang mga kumpanya na lumabag rito sa pamamagitan ng hotline nitong (2)8479-2900.
Sa unang araw ng Oktubre, nagtaas ang mga petroleum companies ng presyo ng kanilang mga produktong LPG kung saan ang presyo ng bawat 11kgs na cylinder ay tinatayang tataas ng mahigit P8.00 hanggang P9.00 kada kilo.