Inaasahang ilalabas na ng Department of Health (DOH) sa susunod na linggo ang price range at polisiyang magtitiyak na affordable at accessible sa lahat ang COVID-19 testing at test kits.
Sinabi ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire, nagbigay na ng deadline si Health Sec. Francisco Duque III sa paglalabas ng polisiya.
Magugunitang sa pamamagitan ng Executive Order 118, inaatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte DOH, sa pakikipag-ugnayan sa Department of Trade and Industry (DTI) na idetermina at magpatupad ng price range para sa COVID-19 tests at mga kits alinsunod sa mga umiiral na batas, panuntunan at regulasyon.
Ayon kay Usec. Vergeire, may final draft na ang DOH at DTI sa pamamagitan ng joint administrative order.
Inihayag ni Usec. Vergeire na napag-usapan na lahat ng implementation arrangement gaya sa enforcement, monitoring at basehan kung paano nakapagtakda ng price range.