Pormal nang dumulog ang Manila Police District (MPD) sa Manila Prosecutor’s Office kaugnay sa reklamo laban sa 20 miyembro ng LGBTQ na inaresto kahapon sa kanilang rally sa lungsod ng Maynila.
Una nang nagpalipas ng magdamag ang mga inaresto sa headquarters ng MPD sa UN Avenue, Maynila bago isinailalim kanina sa inquest proceedings.
Ilang sektor na rin ang nagpaabot ng pagkondena sa ginawang hakbang ng pulisya samantalang nag-obserba naman daw sa social distancing at pagsusuot ng face mask ang grupo na pinangunahan nang tinaguriang Bahaghari at Gabriela.
Kabilang sa pumuna sa hakbang ng PNP si dating Miss Universe Catriona Magnayon-Gray kung saan ipinagtanggol ang pride march ng grupo.
“Is this the new normal?” Bahagi ng tanong ng beauty queen sa kanyang FB page. “If proper health guidelines were being followed, (social distancing, mask wearing) why the use of force? Why the withholding of rights (witnesses said they were not read their miranda rights before arrest nor given reason of arrest)? Videos circulating online confirm this. We have the right to raise our voice. Pride, since the beginning has been a protest. Now is the time to speak up. #FREEPRIDE20 #PRIDE2020”
Samantala naglunsad na rin ng donation campaign ang ilang supporters bilang pambayad sa posibleng itatakdang piyansa para sa kalayaan ng binansagan din na Pride 20.