BACOLOD CITY – Kinasuhan na ang prime suspect sa nangyaring massacre sa Barangay Tangub, Bacolod City kung saan apat na magkakamag-anak ang pinatay.
Ayon kay Police Major Joery Puerto, station commander ng Bacolod Police Station 8, isinailalim kanina sa inquest proceedings si Christian Tulot alyas Dondon dahil sa violation ng Section 11 ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 dahil sa possession of illegal drugs.
Si Dondon ay nakuhaan ng limang sachets ng suspected shabu nang binuksan nito ang kanyang bag sa harap ng mga kaanak, mga pulis at kasapi ng media sa Bacolod Police Station 8 kagabi makaraang mahuli sa Barangay Bunga, Salvador Benedicto, Negros Occidental.
Ang shabu ang nagkakahalaga ng mahigit P6,000.
Itinanggi ni Dondon na sa kanya ang illegal drugs ngunit inamin nito na siya ay gumagamit ng droga.
Hindi naman pinalaya pa ng mga pulis ang tiyuhin na si Joel Espinosa na dinamay ni Dondon at sinabing kasama niya ito sa pagpatay kina Jocelyn at Gemma Espinosa, John Michael Espinosa at pamangkin na si Precious Jonah, 6 years old.
Ayon sa hepe, sisikapin nilang maisasampa ang kasong multiple murder laban kina Dondon at Joel bago mag-lapse ang reglementary period of detention sa Lunes.
Kampante naman ang hepe na malakas ang ebidensya laban sa dalawa lalo na’t umamin na rin si Dondon na sila ang pumatay.
Ayon kay Dondon, kasama nila ni Joel si Bro sa paggawa ng krimen. Si Bro ay source nila ni Michael ng shabu ngunit may utang si Michael sa kanya na P35,000.
Nitong Linggo, siningil umano ni Bro si Michael ng kanyang utang ngunit wala itong pambayad kaya’t kanyang minartilyo.
Sunod na pinatay si Jocelyn Espinosa at Gemma Espinosa bago nila pinatay ang batang si Precious.
Sa ngayon, pinaghahanap pa ng mga pulis ang isa pang suspek na kinilala lamang kay Bro.