-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Nasa kustodiya na ngayon ng Isulan PNP ang prime suspect sa brutal na pagpatay sa mag-inang Eribal sa Kalawag 2, Isulan Sultan Kudarat.

Ito ang kinumpirma ni Police Major Darwin Castillo, spokesperson ng Sultan Kudarat PPO sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Kinilala ang suspek na si Elvie Catalan Frenilla, 39 yrs, may asawa, residente din ng nabanggit na lugar at kapitbahay ng mga biktima.

Ayon kay Castillo, sinamahan ng kanyang kapatid na isang pulis na naka-assign din sa Isulan MPS at asawang sundalo ang babaeng suspek sa kanyang pagsuko pasado alas-2 kahapon ng hapon.

Itinur-over din ng suspek ang damit nito (maong shorts at pulang t-shirt) na may mantsa ng dugo at iba pang kagamitan na ginamit umano nito sa pagpatay sa mag-ina.

Matalik na kaibigan umano ng biktima ang sumukong suspek kaya’t labas pasok lamang ito sa kanilang bahay.

Isinalaysay din ng suspek sa “judicial confession” nito ang kanyang ginawa at solong inako ang krimen.

Matatandaan na natagpuan na lamang na wala ng buhay at maraming saksak ang mga biktimang sina Ginang Noralyn Delfin Eribal at 8 taong gulang na anak nitong lalaki.

Kasong double murder naman ang kakaharapin ng suspek.