KORONADAL CITY – Nasa kustodiya na ng mga otoridad matapos na maaresto ang prime suspect at umano’y isa sa tatlong armado na may kagagawan sa pagmasaker sa isang pamilya sa Lebak, Sultan Kudarat.
Sa nasabing masaker, apat ang iniwang patay at isa ang sugatan.
Kinilala ang suspek sa pangalang Dinder Saludin Racman, 31, residente ng Sitio Tuka, Barangay Datu Karon, Lebak, Sultan Kudarat.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Lt. Col. Jon Pondanera, brigade commander ng 57th Infantry Battalion, Philippine Army, sumuko umano ang suspek kay Uztads Wahad Hussien, MILF-CCCH (Moro Islamic Liberation Front – Coordinating Committee on the Cessation of Hostilities at na-turnover sa Lebak Municipal Police Station (MPS).
Dagdag pa ng opisyal, dahil sa pressure sa pagtutulungan ng Lebak MPS, Lebak-local government unit, Philippine Army at MILF CCH kaya ra sumuko si Racaman.
Gayunman, mariing itinanggi ni Racman na kasama ito sa mga pumatay sa mga biktima.
Sa ngayon ay patuloy ang pagtugis sa dalawa pang mga kasamahan nito na tumakas dala umano ang kanyang bangka.
Kung maaalala, apat sa pamilya Capiceño ang nasawi na kinabibilangan ng mag-asawa at dalawang apo nito.
Hindi pa rin matukoy ng mga otoridad ang motibo ng pamamaril dahil sa ayaw akuin ng sumukong suspek ang krimen.
Napag-alaman na nangyari ang masaker sa loob mismo ng bisinidad ng MILF 104th Base Command Community na ngayon ay mayroon nang mahigpit na seguridad.
Kasalukuyan namang nahaharap sa kasong multiple murder at paglabag sa Sec. 3 par. (2) ng Presidential Decree 1613 crime of arson na walang inirekomendang piyansa laban sa suspek.