-- Advertisements --

Pinutol na umano ng mag-asawang sina Prince Harry at Meghan Markle ang kanilang ugnayan sa ilan sa pinakamalalaking tabloid sa Britanya.

Ayon sa kanilang kampo, magpapatupad na raw ng “zero engagement” policy ang Duke at Duchess of Sussex sa apat na mga British tabloids, partikular ang The Sun, Daily Mail, Daily Express at Daily Mirror.

Nagpadala rin umano ng liham ang mag-asawa sa nasabing mga tabloid kung saan nakadetalye ang kanilang bagong polisiya.

“This policy is not about avoiding criticism. It’s not about shutting down public conversation or censoring accurate reporting,” saad sa pahayag ng kanilang mga kinatawan.

“Media have every right to report on and indeed have an opinion on the Duke and Duchess of Sussex, good or bad. But it can’t be based on a lie.”

Matatandaang isinuko nina Prince Harry at Meghan ang kanilang trabaho bilang working royals noong nakalipas na buwan.