Nailibing na ngayong araw si Duke of Edinburgh Prince Philip. Si Prince Philip ay asawa ni Queen Elizabeth sa loob ng 73 taon.
Nakita na magkasamang dumalo sina Prince Harry at Prince William sa libing ng kanilang lolo. Dinaluhan din ito ng ilang miyembro ng royal family, tulad ni Prince Charles na nakasunod sa karo ni Prince Philip habang dinadala ito sa St. George’s Chapel sa Windsor Castle.
Pinagitnaan naman ni Peter Phillips, anak ni Princess Anne, sina Prince Harry at Prince William.
Ayon sa tagapagsalita ng Buckingham Palace, ang procession order na ito ay itinuturing na “practical change.” Nais daw kasi ng royal family na hindi pagtuunan ng pansin ng publiko ang drama na nangyayari sa pamilya bagkus ay samahan sila sa pagdadalamhati.
Nilinaw din nito na ang pagkakasunod-sunod ng bawat miyembro ng royal family sa paghatid kay Prince Philip sa simbahan ay aprubado raw mismo ni Queen Elizabeth.
Noong nakaraang linggo nang bumalik sa kauna-unahang pagkakataon si Prince Harry sa United Kingdom mula California para dumalo sa libing ng kaniyang lolo na namatay sa edad na 99-anyos noong Abril 9, subalit sumailalim muna ito sa quarantine sa kanilang tahanan sa Frogmore Cottage.
Hindi naman makikita sa libing si Duchess of Sussex Meghan Markle sapagkat hindi ito pinayagan ng kaniyang doktor na bumiyahe dahil sa kaniyang pagbubuntis.
Dahil sa nararanasang COVID-19 pandemic ng buong mundo, inilagak sa huling hantungan ang Duke of Edinburgh ng kaniyang 30 close family members at mga kaibigan.
Dumalo rin sa nasabing libing ang walong apo ng prinsipe, si Duchess of Sussex Kate Middleton, asawa ni Zara Tindall, asawa ni Princess Eugenie na si Jack Brooksbank at Edoardo Mapelli Mozzi na asawa naman ni Princess Beatrice.